MANILA, Philippines - Umaabot sa 50 katao na karamihan ay mga bata ang naratay matapos na umano’y malason sa kinaing puto na gawa sa kamoteng kahoy na napulot ng mga ito sa isang landfill sa Davao City, ayon sa ulat kahapon.Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, isinugod sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa lungsod ang mga biktima.Nabatid na nitong Huwebes ng gabi ay mistulang piyesta na pinaghatian at kinain ng mga biktima ang sangkaterbang puto na napulot ng mga ito sa landfill ng Carmen Tugbok District ng lungsod.
Gayunman, ilang oras matapos makain ang puto umpisa nitong Biyernes ng umaga ay isa-isa ng dumaing ng pananakit ng tiyan, ulo, pamamanhid ng katawan, pagsusuka at matinding pagkahilo ang mga biktima.
Agad naman ang mga itong isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas kung saan karamihan sa mga biktima ay mga bata na nagkakaedad, siyam hanggang anim na taong gulang.Pinaniniwalaan namang kontaminado o panis na ang putong nakain ng mga biktima.