MANILA, Philippines - Dalawa pang botante ang iniulat na nasawi matapos matumba sa mahabang pila habang bumoboto sa polling precinct sa magkahiwalay na insidente sa Surigao del Sur at North Cotabato kamakalawa. Sa ulat ni P/Chief Supt. Charles Calima Jr. na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang isa sa biktima na si Erlinda Aguala, 46, ng Brgy. Cabayuran, Libungan, North Cotabato. Nabatid na nakapila sa Precinct Number 51-A si Aguala nang himatayin na bagaman nagawa pang maisugod sa pagamutan ay idineklarang patay sanhi ng atake sa puso. Namatay din ang 46-anyos na alyas Mang Boy habang nakapila para bumoto sa polling center sa Sto. Niño National High School sa bayan ng San Agustin, Surigao de Sur. Bandang alas-10 ng umaga nang bigla na lamang mamilipit sa sakit ng tiyan ang biktima sa polling precinct. Sa pagsusuri ng mga doktor, lumitaw naman na myocardial infraction ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.