MANILA, Philippines - Nabahiran ng luksa ang polling precinct matapos masawi sa heat stroke ang 70-anyos na lolo sa Barangay Ibaan, bayan ng San Pascual, Batangas kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Senior Supt. Rosauro Acio, Batangas PNP director ang biktima na si Luis Manalo. Nabatid na nakipagsiksikan ang matanda upang hanapin ang kaniyang pangalan sa talaan ng mga botante sa polling precinct kung saan napagod bago nakaboto bunga ng siksikan sa voting center. Ilang minuto bago natumba ang matanda na dumaing ng paninikip ng dibdib ay nakaboto na ito kung saan nagawa pang maisugod sa ospital pero idineklara na itong patay. Lumilitaw naman sa imbestigasyon na atake sa puso bunga ng sobrang pagod ng ikinamatay ng matanda.