BATANGAS, Philippines - Nahaharap ngayon sa kasong graft sa Ombudsman ang dating alklade ng Sto. Tomas Batangas na si ex-Mayor Edna P. Sanchez, may bahay ni yumaong Batangas Governor Armando Sanchez.
Si Sanchez ay sinasabing inakusahan ng paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act ni Mayor Osmundo Maligaya at 30 iba pang taxpayers.
Ang kaso ay may kinalaman sa pinasok na kontrata ng dating alkalde sa Manila Electric Company noong July 2008 para sa konstruksiyon ng bagong linya at karagdagang pasilidad para sa supply ng kuryente na nagkakahalaga ng P2.24 milyon sa dalawang lupaing pang-agrikultura sa Barangay San Joaquin, Sto. Tomas, Batangas.
Sa inihaing verified complaint sa Ombudsman, sinasabing ginamit ni Sanchez ang kanyang posisyon bilang alkalde upang makinabang habang inilagay naman sa panganib ang interes ng pamahalaan. Alinsunod umano sa Annual Report ng Commission on Audit noong 2008, ang P2.24 milyon ay original na nakalaan sa pagpapagawa ng farm-to-market road para sa mga magsasaka ng Sto. Tomas at hindi sa pagpapatayo ng pasilidad ng kuryente. Hindi naman nakapagbigay ng panig si Sanchez.