QUEZON, Philippines - Nabawi ng mga operatiba ng pulisya ang 10-buwang gulang na sanggol na babae matapos dukutin at itago ng 15-araw sa Sitio Punon, Barangay Mainit sa bayan ng Perez, Quezon kamakalawa ng gabi. Pansamantalang nasa kustodya ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang sanggol at nakatakdang dalhin sa kanyang mga magulang sa Lucena City, Quezon. Pormal naman kakasuhan habang nakapiit ang suspek na si Liezel Amargo. Sa ulat ng pulisya, Dinala ng suspek ang sanggol sa nasabing barangay saka itinuring na kanyang tunay na anak matapos itong dukutin noong Martes (Abril 23). Nakatanggap naman ng impormasyon ang pulisya sa kinaroroonan ng suspek kaya inilatag ang follow-up operation hanggang sa masakote si Amargo.