BULACAN, Philippines – Napatay ang 19-anyos na tinedyer ng kanyang pinsan matapos saksakin dahil sa sinirang cellphone sa Barangay Tumana, bayan ng Sta. Maria, Bulacan kahapon ng umaga. Napuruhan sa dibdib ang biktimang si Joel Macay habang naaresto naman ng pulisya ang suspek na 17-anyos, tubong Negros Oriental, at kapwa nakatira sa nabanggit na barangay. Ayon kay PO2 Jonathan Mañacap, nakipag-inuman ang suspek na hawak ang cell phone sa grupo ng biktima. Nairita ang biktima sa inasal ng suspek kaya sinuntok nito hanggang sa malaglag ang hawak nitong cell phone. Dito na tinapakan at pinisak ng biktima ang cell phone ng suspek na nauwi sa pananaksak.