CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Pinaniniwalaang malawak na lupain ang isa sa motibo kaya pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang mag-ina ng mga ‘di-kilalang kalalakihan sa liblib na bahagi ng Barangay Gabon, bayan ng Polangui, Albay kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang mag-inang biktima na tadtad ng tama ng saksak sa katawan ay sina Salvacion Caranza at Christian Caranza, 15, binata at kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.
Bandang alas-6 ng Âumaga nang matagpuan ng mga barangay tanod ang bangkay ng mag-ina sa loob ng kanilang tahanan.
Sariwa pa ang dugo ng mag-ina nang madiskubre ng ilang barangay opisyal kung saan palatandaan ilang minuto pa lamang ang nakalipas bago pinaslang ang mga biktima.
Ayon sa pulisya, wala namang tinangay na personal o anumang gamit ng mag-ina na sinasabing nagmamay-ari ng malawak na lupain sa nasabing bayan.
May teorya ang pulisya na pinatay ang mag-ina para ‘di sagabal sa pagkamkam ng mga ‘di-kilalang grupo sa sinasabing maÂlawak na lupain.