Kandidatong konsehal utas sa heat stroke

MANILA, Philippines - Patay ang re-electionist na konsehal matapos itong ma-heat stroke habang na­ngangampanya sa kainitan ng sikat ng araw sa bayan ng Binalonan, Pangasinan kamakalawa.

Sa inisyal na ulat na nakarating sa Camp Crame, nangangampanya ang biktimang si Councilor Rafael Legaspi Sr. ng makaramdam ng pananakit ng ulo at pagsisikip ng dibdib kaya nag­desisyong umuwi ng kanilang tahanan upang magpahinga.

Gayon pa man, pagda­ting sa kanilang bahay ay nagsuka ito ng dugo na bagaman nagawa pang maisugod sa pagamutan ay namatay din habang ginagamot.

Si Legaspi ay nanilbihan bilang Pangulo ng Liga ng mga Barangay sa loob ng mahigit limang taon sa kanilang bayan.

Dahil sa naturang pangyayari muling nagpaalala ang mga kinauukulan na kapag nakaranas ng mga sintomas ng heat stroke tulad ng panghihina, pananakit ng ulo, pagpapawis at pagsusuka ay agad kumonsulta sa mga doktor.

Magugunita na kamakailan lamang ay isa ring tumatakbong mayor sa Sorsogon ang nasawi dahil sa heat stroke.

 

Show comments