8-anyos binoga sa ulo ng kalaro

QUEZON, Philippines   - Nakikipaglaban kay kamatayan ang 8-anyos na lalaki matapos na mabaril ng kanyang 8-anyos na kalaro sa Purok 1, Barangay Mamala 1,  bayan ng Sariaya, Quezon kamakalawa ng hapon.

Nagtamo ng tama ng bala ng cal. 22 revolver sa ulo ang biktimang bata habang nasa kustodya ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspek na itinago sa panga­lang si Jonas.

Base sa police report, dakong alas-5 ng hapon habang naglalaro sa labas ng kanilang bahay ang dalawang bata nang ilabas ng suspek ang baril na pag-aari ng kanyang ama.

Sa hindi inaasahang pagkakataon habang nilalaro ng suspek ang hawak na baril ay biglang itinutok nito sa ulo ng biktima.

Dito na sinamantala ng pagkakataon kung saan umalingawngaw ang malakas na putok ng baril at duguang bumulagta ang bata.

Natulala naman ang suspek at hindi makapaniwala sa kanyang nagawa habang naisugod naman sa ospital ang biktima.

Pormal naman kakasuhan ng pulisya ang ama ng suspek kaugnay ng ipinatutupad  na Comelec gun ban.

Show comments