MANILA, Philippines - Sinibak na kahapon sa puwesto ang tatlong pulis na nakunan ng video na nambubugbog ng isang walang kalaban-labang lalaki sa bayan ang Paniqui, Tarlac.
Ito ang inianunsyo kahapon ni PNP Spokesman P/Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., base sa ulat ni P/Senior Supt. Alfred Corpuz, Tarlac provincial PNP director.
Isinailalim na sa restricted custody ang mga sinibak na sina PO2 Richelle Antonio, PO2 Herardo Bermudez at PO2 Fernando Acosta na pawang nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Paniqui.
Kasabay nito, pinaiimbestigahan na rin sa Internal Affairs Service ng Tarlac PNP ang kaso ng tatlo na nasa Internat ngayon na umaabot sa 39-segundo ang video
Sa nasabing video ay kinunan ng patago habang kinakausap ng tatlong pulis na nakikipagtalo sa isang lalaki na nakakulay orange ng t-shirt na kanilang inaresto dahil sa kasong pananakit.
Mapapanood din sa video na itinulak ng isa sa mga pulis ang lalaki kaya napaÂsandal ito sa nakaparadang sasakyan kaya kinapitan nito ang isa pang pulis na tumulak sa kaniya pero sinipa siya ng isa pa na sinundan ng suntok ng pangatlong pulis.
Bagaman nanlaban ang biktima ay binigwasan ito ng isa pang malakas na suntok ng pulis kaya bumagsak ito sa sementadong kalsada.
Samantala, kapuna-puna rin na ginawang punching bag ng isa pang pulis ang biktima na pinagsusuntok sa mukha na animo’y mga lango sa bawal na droga.
Bagaman ayaw muna ni Cerbo na husgahan ang video, sinabi nito na hindi dapat gumamit ng marahas ang tatlong pulis sa pag-aresto sa biktima.