TUGUEGARAO CITY, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng retiradong sarhento ng Phil. Army matapos itong igapos ay niratrat ng mga di-kilalang lalaki sa loob ng kanyang tahanan sa Barangay Caliguian, bayan ng Burgos, Isabela kahapon ng madaling-araw. Sa ulat na ipinalabas ni Isabela PNP spokesman P/Supt. Narciso Paragas, natagpuan ng pulisya ang bangkay ni M/Sgt. Jacinto Fernandez, 66, na nakadapa, tadtad ng bala, at nakagapos ng alambre patalikod ang dalawang kamay. Batay sa ulat, nakarinig ang mga kapitbahay ng ilang putok ng baril mula sa tahanan ng biktima kung saan namataang patakas ang gunmen na sumakay ng itim na pick-up. Wala namang tinangay na gamit kung saan pinaniniwalaang may kaugnayan sa dating trabaho sa militar ng biktima ang isa sa motibo sa pamamaslang.