P10-M revenue vs snap election ng GVHAI

CAVITE , Philippines - Pinaniniwalaang aabot sa P10-milyong revenue ng asosasyon ang isa sa motibo kaya nagpupumilit ang mga dating opisyal at talunang  kandidato sa pagka-board of directors na ganapin ang special election ng Gardenia Valley Homeowners Associations, Inc. (GVHAI) sa Barangay Molino 3, Bacoor City, Cavite kahapon ng umaga.

Ito ang mga lumulutang na ulat kaugnay sa ginanap na snap election ng nasabing asosasyon kung saan may nakaambang pagdanak ng dugo na kahalintulad ng ilang kandidatong napatay bago pa sumapit ang 2013 midterm elections kapag hindi namagitan ang pamunuan ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) sa Calamba City, Laguna.

Ayon sa mga opisyal ng nasabing asosasyon, iligal ang ginawa ng iilang kandidato dahil walang kautusan na naipalabas ang HLURB kaugnay sa snap election kahapon. Iginiit naman ng kabilang panig na suportado sila ng HLURB dahil sa sinasabing lihim na kasunduan na aprobado ang gaganaping special election para sa pagka-board ng directors.

Magugunita na naunang nag-eleksyon ang GVHA noong Nobyembre 25, 2012 at walang sumalungkat na botante o kaya nagprotesta sa pagkapanalo ng 15 residente na maging opisyal sa pangunguna ni Ma. Wanda Dangan kung saan inaprobahan naman ng apat na miyembro ng GVHA comelec 2012. Subalit makalipas ang tatlong buwan ay biglang nagreklamo sa HLURB ang apat na residente kabilang ang isang nagngangalang Eva Tan na hindi naman nakatira sa Gardenia Valley Subd.

Pinawawalang saysay ng apat na botante ang eleksyon noong Nob. 25, 2012 dahil sa sinasabing paglabag sa itinakdang batas ng homeowners association partikular na ang newly approved na Magna Carta of Homeowners Association.

“Bakit ngayon lang sila magrereklamo, dapat bago pa mag-eleksyon noong Nobyembre 2012 ay dumulog na sila sa HLURB para napigilin. Imbes na tahimik ang mga residente sa Gardenia Subd. mukhang magiging war zone ah” pahayag ng mga residente. “Dapat magkaayos ang magkabilang panig para sa katahimikan din ng mga residente dahil sa isang subdibisyon sila nakatira.” pahayag naman ng mga barangay opisyal.

 

Show comments