Lola nilikida

BULACAN, Philippines — Binalot ng matinding tensiyon ang mga taong sakay ng isang pampasaherong jeepney makaraang pagbabarilin  ang isang 89 anyos na lola sa harapan ng kaniyang apo ng hindi pa nakilalang salarin sa Malolos City, Bulacan kamakalawa.

Ang biktimang si Severina Crisostomo, ng Sta. Cruz, Manila ay binawian ng buhay habang ginagamot sa Bulacan Provincial Hospital.

Sa ulat ng pulisya, bandang alas-3:30 ng hapon kasalukuyang papauwi na ang biktima at ang apo nitong si Cristina Crisostomo, 20 sakay ng pampasaherong PUJ (CWG-110 ) nang pagsapit sa flyover ng McArthur  highway, Brgy. Guinhawa ay bumaba ang isang lalaki na isa sa mga pasahero.

Agad na binunot ng suspek ang nakatago nitong cal 9 MM pistol at pinaputukan sa ulo ang biktima na agad bumulagta.

Lumilitaw sa pangunang imbestigasyon na galing ang maglola sa Municipal Trial Court ng lungsod kaugnay ng paglilitis sa kasong may kinalaman sa lupa na siyang hinihinalang motibo ng krimen.

Show comments