3 katao nilamon ng ilog

Cavite, Philippines — Tatlo katao ang nasawi kabilang na ang dalawang kabataang tinangkang sagipin ng tricycle driver na minalas ding hindi na makaahon pa nang malunod ang mga ito sa ilog sa Brgy. Poblacion, Noveleta, Cavite kamakalawa.

 Nakilala ang mga biktimang sina Camile Shane Tijing, 12; Alessandra Hayag, 9 kapwa ng Brgy. Poblacion at si Albert Quimpo, 30, residente ng Brgy. San Antonio II.

 Base sa ulat ni Sr. Insp. Ardie Bagaman, hepe ng pulisya dito, dakong alas-5:30 ng hapon, naglalaro umano ang  mga bata sa gilid ng malalim na bahagi ng ilog nang aksidente ang mga itong matangay ng malakas na agos.

Nakita naman ito ni Quimpo kaya agad na tumalon sa tubig upang iligtas ang mga bata pero isa lang ang nailigtas nito.

Binalikan ng tricycle driver ang dalawang bata pero maging ito ay natangay rin ng malakas na agos na minalas na hindi na makaahon at malunod rin sa insidente.

Samantala, ilang oras ding nagsagawa ang mga awtoridad ng search and retrieval operation bago natagpuan lahat ang mga bangkay. 

 

Show comments