Opisyal ng STL itinumba, P1-M koleksyon, tinangay pa
TUGUEGARAO CITY, Philippines - Puspusan ngayon ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso ng pagbaril at pagpatay sa opisyal ng small town lottery (STL) habang ito ay patungo sa banko upang ideposito ang isang milyong pisong koleksyon ng bolahan na ngayon ay nawawala sa Brgy. Burgos, Alicia, Isabela, kamakalawa. Base sa ulat, kagagaling lamang ng biktima na si Rene Maravilla, 43, tubong Lipa, Batangas sa compound ng bahay ni Congressman Napoleon Dy nang barilin ng hindi pa nakikilalang gunman sa loob ng kanyang Honda Civic. Napag- alaman pa sa mga kasamahan ng biktima na nawawala ang isang black suitcase na naglalaman ng isang milyong pisong koleksiyon ng STL na idedeposito sana nito sa banko. Ayon naman sa opisyal na ulat na nakarating kay Cagayan Valley Police Director Chief Supt. Rodrigo de Gracia, nalaman lamang ang kamatayan ni Maravilla nang madaanan ito ni PO2 Pompeyo Guiyab ng 3rd Police Maneuver Platoon sa hindi kalayuan sa tahanan ng Congressman. Nabatid na nakabukas ang kanang pintuan ng kotse ng biktima at doon nakita itong duguan kaya hinihinala na maaaring kasamahan din nito sa loob ng kotse ang yumari sa kanya. Namatay sa Maravilla sanhi ng tama ng cal. 45 sa dibdib.
- Latest