MANILA, Philippines - Napisak ang katawan ng isang motorcycle rider matapos na aksidenteng mabundol na minalas pang makaladkad ng ilang metro ng isang pampasaherong bus sa kahabaan ng Maharlika highway, Brgy. Mancayasan, Urdaneta City, Pangasinan kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Jeffrey Bauzon, 26 anyos, driver ng kulay berdeng motorsiklong Racal 110CC na walang plaka.
Ayon kay Inspector Ryan Manongdo ng Urdaneta City Police, naganap ang sakuna bandang alas-2:20 ng madaling araw sa kahabaan ng Maharlika highway ng naturang lugar.
Base sa imbestigasyon, kasalukuyang bumabagtas ang motorsiklo ni Bauzon sa nasabing highway kasunod ang Victory Liner bus na galing sa hilaga patungong katimugang direksyon.
Kasalukuyang papaliko ang motorsiklo ng biktima para magkarga ng gasolina sa Caltex gas station ng aksidente itong mabangga ng bus na sa kamalasan pa ay nakaladkad ng ilang metro kaya napisak sa insidente.