Amok: Traffic enforcer bulagta

MANILA, Philippines - Napaslang ang isang traffic enforcer habang apat na iba pa ang nasugatan matapos na pagtatagain ng 58-anyos na mister na napaslang din ng mga ope­ratiba ng pulisya sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan bago maghatinggabi noong Miyerkules.

Kinilala ang nasawi na si Florentino Molano habang sugatan naman ang mga kasambahay ni Molano na sina Arnel Grajo, 48; Minerva Moulic, 40; anak nitong si Giamel, 5; at ang pulis na tinukoy lamang sa pangalang SPO3 Abrazado na nasa Region 1 Medical Center.

Samantala, nakilala naman ang napaslang na mister na si Jose Pinullar.

Sa imbestigasyon, sinabi ni P/Senior Inspector Ryan Manongdo, commander ng Regional Special Operations Task Group, naganap ang insidente pasado alas-10 ng gabi.

Sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang pinasok ng suspek na armado ng itak ang tahanan ng mga biktima at pinagtataga ang mga ito habang natutulog.

Ayon sa mga imbestigasyon, ang suspek ay may matinding problema sa kaniyang pamilya na ikinaburyong nito.

Rumesponde naman ang mga operatiba ng pulisya pero sa halip na sumuko ay pinagtataga ng suspek si SPO3 Abrazado bunsod upang mapilitan ang mga kasamahan nito na barilin si Pinullar.

Show comments