Di-pinautang… DILG officer pinatay sa sakal ng kabaro

MANILA, Philippines - Matapos ang anim na araw na pagkawala, natagpuang bangkay ang 32-anyos na opisyal ng Department of Interior and Local Government  (DILG) na sinasabing pinatay sa sakal ng kabaro bago isinako at inilagay sa compartment ng  kotse na nasa parking area ng  hotel sa Naga City, Camarines Sur.

Sa ulat ni P/Supt. Nilo Berdin, nadiskubre ang bangkay ng biktimang si Ayres Osurman Napire ng Villa Karangahan Subd., Barangay San Felipe, Naga City matapos ituro ito ng self-confessed killer na si Dennis Erich Medina, 35.

Si Medina ng Villa Sorella Subdivision sa Barangay Concepcion Grande ay nagsagawa ng judicial confession kay Atty. Lheila Mozenda na inamin ang krimen matapos na surutin ng kaniyang konsensiya.

Bandang alas-9 ng gabi, narekober ang bangkay ng biktima sa compartment ng Toyota Sedan (UCA-821) na inabandona sa parking lot ng Villa Caceres Hotel sa Magsaysay Avenue sa nabanggit na lungsod.

Ang biktima ay iniulat ng mister nitong si Gerald Napire na nawawala noong Biyernes (Marso 8) matapos itong magpaalam na papasok sa trabaho sa bayan ng Bombon kasama ang suspek pero nabigong umuwi.

Ikinumpisal naman ng suspek na pinatay niya sa sakal ang biktima sa loob ng Toyota Sedan noong Biyernes ng hapon habang nagmamaneho sa kahabaan ng Almeda Highway.

Base sa judicial confession ng suspek kay Atty. Mozenda,habang nagmamaneho ng sasakyan ang biktima ay nangungutang ng malaking halaga ang suspek dahil nalululong ito sa online gambling pero tumanggi ang biktima.

Samantala, lumilitaw din na nagawa ng suspek na makapag-withdraw ng P100,000 mula sa ATM card ng biktima simula ng araw na mawala ito na sinasabing pinilit nitong ibigay ang pin number bago pinatay.

 

Show comments