Stude nag-Russian roulette sa party, dedo

TUGUEGARAO CITY, Philippines – Hindi biniro ni kamatayan ang 21-anyos na ­estud­yante na nakatakda sanang magtapos ngayong Marso matapos mag-Russian roulette sa harap ng kanyang kainuman sa birthday party sa Barangay Salinas, bayan ng Bambang, Nueva Viscaya kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Glen Rei Bautista, BS Marketing student; at nakatira sa nabanggit na bayan.

Nabatid na pinaputok muna ng tatlong beses ng biktima ang kabibili lang niya na cal. 38 revolver bago nito itinutok sa sentido saka kinalabit ang gatilyo.

Nawala ang kalasingan ng mga kainuman ng biktima na tinalsikan pa ng kanyang dugo matapos mabatid na may isa pa palang naiwang bala sa chamber ng revolver.

Sinisiyasat ngayon ng pulisya ang pinagmulan ng baril sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng gun ban ng Comelec ngayong panahon ng halalan.

Show comments