Mag-asawa, 2 anak minasaker

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Malagim na kamatayan ang sinapit ng mag-asawa at dalawa nitong anak makaraang pagtatagain ng kanilang kapitbahay na lalaki na sinasabing may diperensya sa pag-iisip kahapon ng madaling-araw sa Barangay Poblacion sa bayan ng Pio V. Corpus, Masbate.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Heriberto Olitoquit, dakong alas-6 ng umaga ng Biyer­nes ng madiskubre ang mga bangkay ng mag-asawang Jimmy Dublin, Elena Dublin, at mga anak na sina Jason, 13; at Gerald, 9, pawang nakatira sa Sitio Malamag sa nasabing barangay.

Samantala,  nakaligtas naman ang dalawang anak ng mag-asawa na sina Jenelyn, 11; at John John, 8, matapos lumusot sa dingding ng kanilang kubo bago nagtago sa bulubunduking bahagi ng nasabing lugar.

Kasalukuyan namang pinaghahanap ng pulisya ang suspek na si Buenacio Lalacan na sinasabing baliw. 

Sa inisyal na ulat ng pulisya, pinasok ng suspek ang bahay ng pamilya Dublin kung saan magkakasunod na pinagtataga habang ang mga ito ay natutulog.

Ang dalawang nakaligtas na batang na-shock sa nasaksihang brutal na krimen laban sa kanilang mga magulang at kapatid ang nagsumbong sa kanilang kamag-anak kaya nadis­kubre ang krimen.

 

Show comments