QUEZON, Philippines – Aabot sa sampung kabataan ang iniulat na nasugatan makaraang mahulog mula sa hanging bridge na nalagot kamakalawa ng hapon sa Barangay Masipag sa bayan ng Macalelon, Quezon. Nagtamo ng mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang mga biktimang sina Ayrabel Ubana, 16; Ryan Ceazar Ulmabon, 2; Mariel Cangan, 16; Karen Samadan, 16; Ylhyn Joie Lagumen, 16; Reycell Ann Escleto. 13; Jaycell Dalde, 14; Kate Izza Joy Ramiro, 14; Erinette de la Cruz, 15 at si Rannel de la Paz na pawang nakatira sa Barangay Masipag. Ayon kay PO2 Maricris Enobar, naganap ang insidente dakong alas-6 ng gabi habang tumatawid ang mga biktima sa hanging bridge na may habang 100-metro na nag-uugnay sa mga barangay Masipag at Amontay. Ipinagtataka naman ng mga residente na naipagawa na ito ng lokal na pamahalaan matapos malagot ang kable ng hanging bridge noong Sept. 22, 2011 kung saan apat-katao ang iniulat na nasawi.