Bangkay ng rape victim natagpuan sa ilog

KIDAPAWAN CITY, Philippines – Naaagnas na nang matagpuan ang 13-anyos na babae na palutang-lutang sa Banlawan River sa Barangay Ilian sa bayan ng Magpet, North Cotabato noong Linggo ng tanghali. Base sa autopsy report ng Magpet municipal health office, ginahasa ang biktimang si Carmela Caag bago pinatay. Ayon sa ulat ng Magpet PNP, ang pagkawala ng biktima ay iniulat na noon pang Lunes kung saan huling namataang buhay na kasama ang ate nito na naglalakad sa bahagi ng Barangay Bangkal nang dukutin ng dalawang di-kilalang lalaki. Subalit nakahulagpos sa pagkakahawak ang ate ng biktima kaya nakatakbo at nakahingi ng saklolo. Gayon pa man, tumulong na sa paghahanap ang mga barangay tanod at pulisya hanggang sa matagpuan ang bangkay ng biktima.

Show comments