MANILA, Philippines - Umaabot sa P1.8 milyon ang natangay ng pitong armadong kalalakihan matapos holdapin ang outlet ng lotto sa Barangay Kagitingan, Baguio City noong Huwebes ng hapon.
Sa panayam, sinabi ni Baguio City PNP director P/Senior Supt. Jesse Cambay, ang mga suspek ay nagpanggap na tataya sa lotto bandang alas-2:30 ng hapon pero paglapit sa teller ay nagdeklara ng holdap saka mabilis na nagsitakas tangay ang malaking halaga.
Gayon pa man, duda naman ang may-ari ng lotto outlet na si Dexter See sa sinasabing panghoholdap dahil naganap ang insidente sa kasagsagan ng tayaan ng mga mahihilig sa lucky number games.
Samantala, umaabot lamang sa P60,000 hanggang P70,000 ang kinikita sa isang araw na taya sa lotto kung saan ang sinasabing P1.8 milÂyon ay ilang araw na nitong kita na dapat ay naibangko kaagad tulad ng bilin ni See sa kaniyang mga kawani.
Iniimbestigahan naman ng pulisya ang anggulong inside job sa pagkawala ng perang kinita ng nasabing lotto outlet.
Samantalang ipinatawag na rin ng pulisya ang mga kawani na nangangasiwa sa lotto outlet para isalang sa pagsisiyasat.