MANILA, Philippines - Pinagbabaril ng grupo ng mga bandidong Abu Sayyaf ang Napocor power barge na nagdulot ng blackout sa buong Isabela City, Basilan noong Lunes ng gabi.
Sa phone interview, sinabi ni Col. Carlito Galvez Jr, commander ng Joint Task Force Basilan, naganap ang pamamaril bandang alas-10:15 ng gabi sa Sitio Palar, Barangay Tabuk sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Galvez, ang mga bandido ay lulan ng dalawang pumpboats kung saan mabilis namang rumesponde ang mga elemento ng 15th Special Forces Company at naitaboy ang mga bandido patungo sa direksyon ng karagatan ng Lantawan.
Samantala, bilang precautionary measure ay pansamantalang pinutol ang serbisyo ng kuryente sa buong lungsod na ipinatupad ng Basilan Electric Cooperative.
Pinaniniwalaang bahagi ng harassment ng grupo ng bandido ang insidente matapos na tanggihan ang isinasaad sa ipinadalang extortion letter sa nasabing kooperatiba.