MANILA, Philippines - Naaresto ng mga opeÂratiba ng pulisya ang apat sa 20-armadong kalalakihan na itinakas ang tatlong Chinese drug lord sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon sa Cavite kamakalawa.
Sumasailalim na sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Rodel “Gorio†Cambongga, Chairman Leovino “Nonoy†Fontanilla ng Barangay Bayang Luma 4, Imus City; Emiliano “Emil†Quilicol, at si Rene “Dodo†Bersales.
Ayon kay P/Chief Supt. Benito Estipona, kabilang sa mga naitakas na tatlong drug lord ay sina Wang Li Na, Li Lan Yan alyas Jackson Dy at Li Tian Hua na dadalo sana sa paglilitis ng korte sa Trece Martires City, Cavite noong Miyerkules ng umaga (Peb. 20).
Natukoy ng mga tauhan ni P/Senior Supt. Alexander Rafael ang pagkakakilanlan sa mga suspek matapos na marekober ang resibo ng LBC remittance center na nakapangalan kay Cambongga sa loob ng inabandonang puting van (WTT-544) na ginamit sa pagtakas ng tatlong drug lord.
Si Cambongga na tubong Ozamis City ang sinasabing lookout ng grupo na ikinanta ang kasamang ni Ariel “Bokbok†Bondaon na namatang huling bumisita sa kulungan ni Jackson Dy noong Pebrero 16 sa Cavite Provincial Jail.
Samantala, si Chairman Fontanilla ang isa sa nagplano para itakas ang tatlong Tsino na nadakma noong 2003 sa Brgy. Capipiza, Tanza, Cavite kung saan nalansag ang laboratoryo ng shabu at nasamsam ang P2.8 bilyong halaga ng droga.
Sumunod namang nasakote sina Quilicol at Bersales matapos ituro ni Cambongga kung saan nasamsam ang isang cal. 45 pistol na may tatlong magazine, 23 bala, 3 granada, 3 magazine para sa cal. 45 pistol, cal. 9mm pistol na kinuha ng mga ito sa jailguard na si Loreto Roquel na kabilang sa escort ng tatlong drug lord.
Patuloy namang tinutugis ang iba pang suspek na sina Randy Abunda, Randy Casile, William Sabenorio, Ariel Bondoan, Hanji Birungis, alyas Loloy, Allan, Ricardo, Pacio, Waray/Utong at Alyas Noknok na sinasabing lider ng grupo.