MANILA, Philippines - Palaisipan sa pamunuan ng pulisya kung dinukot o itinakas ng sindikato ng droga ang tatlong Chinese drug lord na nakakulong matapos puwersahang tangayin ng mga armadong kalalakihan habang patungo sa court hearing sa Trece Martirez City, Cavite kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga Tsino na sina Li Tian Hua, Wang Li Na at si Li La Yan na pawang nakaditine sa Cavite Provincial Jail kaugnay ng kasong kinakaharap na may kinalaman sa illegal na pagmamanupakÂtura ng droga.
Sa ulat ni P/Chief Supt. Benito Estipona, Calabarzon PNP director, lumilitaw na lulan ng patrol car patungong court hearing ang 3 Intsik kasama ang apat na guwardiya para dumalo nang harangin ng mga armadong kalalakihan na lulan ng puting van (WTT 544 ) kung saan sapilitang kinuha ang tatlo.
Sa isinagawang follow-up operation, narekober naman ang sasakyan na inabandona sa bahagi ng Barangay Aguado, Trese Martires City.
Sinisilip ng pulisya kung may kinalaman ang sindikato ng droga sa pagtangay sa tatlo na sangkot sa pagmamanupaktura ng illegal na droga.