Dean ng MMSU niratrat ng tandem

TUGUEGARAO CITY, Philippines - Nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang dean ng College of Law ng Mariano Marcos State University matapos itong pagbabarilin ng riding-in-tandem gunmen sa parking space ng school campus sa Barangay Quiling sa Batac City, Ilocos Norte noong Huwebes ng gabi.


Ayon kay P/Supt. Jeffrey Gorospe, tagapagsalita ng Ilocos Norte PNP, nasa stable condition na sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center ang bikitmang si Atty. Ramon “Chito” Leano matapos tamaan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Naaresto naman sa dragnet operation ng pulisya sa bayan ng Pili ang mga suspek na sina Jomar Quezada, 24, ng Brgy. Ugis, Nueva Era, Ilocos Norte at Reynaldo Pagatpatan, 32, miyembro ng Cafgu sa nasabing bayan.


Nasamsam sa mga suspek ang asul na motorsiklo, cal. 45 pistol, shotgun, dalawang cell phones at shoulder bag ng biktima na naglalaman ng P20,000 cash, flash drive, class cards at ilang dokumento.


Kasunod nito,inaresto rin ang security guard ng MMSU na si Jimmy Bautista na sinasabing ka-text ni Pagatpatan bago naganap ang pamamaril.


Mariin naman itinanggi ni Bautista ang pagkaka­sangkot sa pamamaril at sinabing kababayan lamang niya ang suspek sa bayan ng Badoc.

 

Show comments