MANILA, Philippines - Limang minero ang kumpirmadong nasawi habang lima pa ang nawawala matapos na gumuho ang bahagi ng minahan sa Semirara Island, Caluya, Antique noong Miyerkules.
Kinilala ang mga nasawi na sina Leovigildo Borras, Abner Lim, Anthony Siblet, Joven Aviate at si Efren Equiza habang ang anim pang nawawala na nalibing sa may 30-metrong lalim ng putik ay nakilalang sina George Bragat, Jan Riel Pianca, Randy Tamparong, Richard Padernilla, Junjie Gomez at ang pinsan ni Caluya Mayor Genevieve Lim na bisor na sinasabing nagsisilbi ng kape sa mga mangagawa ng maganap ang trahedya.
Samantala, nasagip naman sina Marjun Catoto, Adrian Celmar at si Leonardo Sojor.
Sa press statement naman na ipinadala sa PNP Press Corps ni George San Pedro, resident manager ng Semirara Coal and Mining Corporation, gumuho ang pader sa kanlurang bahagi ng Panian pit sanhi ng mga paglambot ng lupa dulot ng pag-ulan.
Pansamantalang inihinto muna ang operasyon ng minahan na sinasabing pinakamalaking prodyuser ng sub-bituminous coal sa bansa.
Patuloy naman ang isinasagawang search and rescue operations sa mga na-trap at nawawalang minero.