8-anyos utas sa sakal ng 9-anyos

MANILA, Philippines -  Napatay sa sakal ng 9-anyos na batang lalaki ang kalarong  8 anyos na Grade 1 pupil matapos na magkapikunan sa loob ng compound sa eskuwelahan sa bayan ng Dumalag, Capiz kamakalawa.

Ang biktima na itinago sa pangalang Alvin ay idineklarang patay sa pagamutan habang ang suspek ay itinago naman sa pangalang Johnny na isang Grade III pupil ay halos hindi makausap sa aksidenteng pagkakapatay sa iskulmeyt.

 Ayon kay PO1 Leybelle Martinez, naganap ang insi­dente sa Bontog Elementary School sa Barangay Sto. Angel bandang alas-10:30 ng umaga sa recess ng mga bata.

Sa inisyal na imbestigas­yon ng pulisya, naglalaro ang grupo ng mag-aaral ng taksi na may tayang pera nang kantiyawan ng suspek ang biktima dahil natalo ito at tinanong kung magkano ang naipatalo.

Nagalit naman ang biktima at sinuntok ang suspek na gumanti ng pananakit sa nakababatang si Alvin na binugbog nito.

Gayon pa man, hindi pa nakuntento sa panununtok ay sinakal pa hanggang sa hindi na ito gumagalaw nang bitiwan.

Nagawa pang maisugod ng mga guro sa ospital ang biktima pero nabigong maisalba ang buhay nito.

Patuloy naman ang imbestigasyon kung saan isinailalim sa kustodya ng DSWD ang suspek.

Show comments