2 wanted tiklo sa police clearance

BULACAN, Philippines — Kalaboso ang binagsakan ng dalawang kalalakihan na sinasabing wanted sa batas makaraang arestuhin ng pulisya habang kumukuha ng police clearance sa bayan ng Marilao, Bulacan kahapon.

Hindi na nakapalag pa ang mga suspek na sina Noel Glodo ng Marilao Green Subd., Brgy. Loma De Gato at Jomel Oliveros ng Brgy. Patubig.

Ayon sa ulat, si Glodo na miyembro ng fraternity ay may kasong attempted homicide noong Nob. 2011 sa Barangay Loma De Gato kung saan may nakabinbing itong warrant of arrest na inisyu­ ni Judge Belen-Ringpis-Liban ng Malolos City Regional Trial Court Branch 85.

Samantala, si Oliveros naman ay sinasabing wanted sa kasong pagnanakaw na may nakabinbing warrant of arrest na inisyu naman ni Judge Alexander Tamayo ng Malolos City Regional Trial Court Branch 15.

Ang dalawang wanted ay dinakma nina PO3 Pricillo Cruz at PO1 William Caquioa matapos kumuha ng police clearance sa nabanggit na bayan.

Show comments