Scaffolding bumagsak: 5 obrero todas

RIZAL, Philippines — Limang mang­gagawa ang iniulat na nasawi habang labindalawang iba pa ang malubhang na­sugatan makaraang mabagsakan ng scaffolding sa coal power plant sa Ba­rangay Malaya sa bayan ng Pililla­, Rizal noong Linggo ng hapon.

Kabilang sa mga na­ma­tay ay sina Eduardo Fidel, Gregorio Ricalde, Jeffrey Sinag, Antonio Manguerra, at si Roberto Mesias na pawang tauhan ng East West Corp. na kinontrata ng SPC Malaya Power Corporation.

Samantala, nanatili naman sa Tanay General Hos­pital ang mga sugatang sina Benedicto Batain, Rogelio Carigma, Tereso Esguerra at si Golberto Rodriguez habang ang iba pang su­gatan ay nailabas na sa ospital.

Sa inisyal na ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Rolando Anduyan, Rizal PNP director, naganap ang insidente dakong alas-3 ng hapon sa nasabing planta ng kuryente.

Nabatid na magkaka­tuwang na nililinis ng mga trabahador ang 70 talampakang taas na labasan ng usok (smokestack) ng planta nang bumigay ang tinatapakan nilang bakal na scaffoldings.  

Dahil sa 70 talampakang taas ng scaffolding, nagtamo ng iba’t ibang pinsala sa katawan ang mga manggagawa na nadaganan pa nang bumagsak sa kanila ang mabigat na salansan na bakal.

Tiniyak naman ng pamunuan ng planta na babayaran nila ang gastusin ng mga biktimang isinugod sa nasabing ospital habang magbibigay din ng tulong pinansyal sa mga naiwang pamilya ng mga nasawi.

Pansamantalang itinigil ng planta ang kanilang ope­rasyon habang patuloy ang imbestigasyon. Dag­dag ulat ng Phil. Star News Service

 

Show comments