NUEVA VIZCAYA, Philippines - Maagang sinalubong ni kamatayan ang mag-utol na lalaki matapos salpukin ng pampasaherong bus ang kanilang motorsiklo sa kahabaan ng national highway sa Barangay Buenavista sa bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya noong Sabado ng gabi. Kinilala ng pulisya ang mag-utol na si Jayson Frogozo, 19; at Joel Frogozo, 16, kapwa nakatira sa nabanggit na barangay. Samantala, sumuko naman sa pulisya ang driver ng Florida Bus na si Max Mateo ng Gonzaga, Cagayan. Sa ulat na nakarating kay P/Chief Insp. Gerald Gamboa, hepe ng PNP Bayombong, papauwi ang magkapatid nang salpukin ng bus (PYA134) ang likuran ng kanilang motorsiklo. Sumabit pa ang motorsiklo kaya pumailalim sa bus ang mag-utol kung saan nakaladkad pa ng may 27-metro ang layo.