MANILA, Philippines - Nabahiran ng trahedya ang paglilitis sa court room ng Palace of Justice matapos na mamaril ang akusadong 66-anyos na retiradong Canadian journalist na napatay ng mga pulis kung saan napaslang nito ang isang doktor at abogado habang grabe namang nasugatan ang babaeng prosecutor kahapon ng umaga sa Cebu City, Cebu.
Kinilala ni P/Senior Supt. Mariano Natuel, hepe ng Cebu City PNP ang mga biktimang napatay na sina Dr. Rene Rafols at Atty. Juvian Achaz, legal counsel ni Dr. Rafols.
Patuloy namang ginagamot sa Chong Hua Hospital ang sugatang si Fiscal Maria Theresa Calibogan-Casiño.
Samantala, namatay naman dakong alas -10:50 ng umaga sa Cebu Doctors Hospital ang namaril na si John Pope na nabaril ng mga operatiba ng pulisya sa paa at kamay matapos manlaban.
Gayon pa man bago tuluyang makorner ay nagbaril ito sa ulo.
Naganap ang pamamaÂril bandang alas-8:30 ng uÂmaga sa Branch 6 sa ilalim ni Judge Pamela Barling Uy sa ikaapat na palapag ng Palace of Justice sa Cebu Provincial Capitol.
Nabatid na ang retiradong Canadian journalist ay nililitis sa kasong 6 counts ng maliscious mischief at tig –isang count ng grave threats at illegal possession of firearms na isinampa ni Dr. Rafols na agad nitong pinagbabaril bago pa man magsimula ang pagdinig.
Ang doktor ay Presidente ng Homeowners Association sa kilalang subdivision sa lungsod kung saan madalas umanong magwala ang nasabing Canadian.
Ayon sa imbestigasyon, nagawang mailusot ni Pope ang 357 magnum na paltik matapos na itago sa pamamagitan ng pag-ipit sa kaniyang kilikili.
Nabatid pa na walang metal detectors na nakakabit sa loob ng Palace of Justice at kinapkapan lamang ng mga bantay si Pope.
Ayon kay Natuel, matapos mabaril ang doktor at abogado nito ay nagtungo sa ikalawang palapag ng Palace of Justice ang Canadian kung saan binaril ang prosecutor bago ito bumaba sa ground floor.
Napag-alamang may hinahanap sa prosecutor’s office si Pope bago nasalubong ang mga operatiba ng pulisya na napilitang barilin sa paa at kamay matapos manlaban.
Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang mga basyo ng bala ng cal. 38 pistol na ayon sa opisyal ay maaari ring gamitin sa 357 magnum at bukod dito ay may backup pang cal. 45 pistol ang nakuha mula sa bangkay ni Pope.