MANILA, Philippines - Napaslang ng rescue team ng pulisya ang isang desperadong sekyu matapos itong manghostage ng kasamahang security guard sa binabantayang gusali ng Social Security System (SSS) na ikinaÂsugat ng dalawang iba pa sa Catbalogan City, Samar kamakalawa.
Kinilala ang napatay na hostage taker na si Patrocinio Dabucol na nabaril matapos tumangging palayain ang hinostage at manlaban sa nagresÂpondeng mga operatiba ng pulisya.
Samantalang kabilang naman sa nasugatan ay ang dalawa nitong kasamahang guwardiya na sina Junie Matic, hinostage ng suspek at ang isa pa na tinukoy lamang sa pangalang Melvin.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame kahapon, bandang ala-1 ng hapon ng mangyari ang pangho-hostage ni Dabucol kay Matic na umano’y nakaaway nito sa tanggapan ng SSS sa lungsod.
Nagpanik naman ang mga empleyado ng SSS matapos na magsimulang magpaputok ng baril si Dabucol at nagresponde naman ang mga operatiba ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team at mga operatiba ng Catbalogan City Police upang iligtas ang hostage na si Matic.
Sa matinding takot ng mga empleyado ay nagkulong ang mga ito sa kanilang mga opisina upang hindi na madamay pa sa pangho-hostage ni Dabucol hanggang sa ligtas ang mga itong makatakas. Lumilitaw naman sa imbestigasyon na ang inggitan at alitan sa trabaho sa pagitan ng hostage taker at ni Matic ang motibo ng insidente.
Nang dumating ang pulisya ay tumanggi si Dabucol na pakawalan ang hostage na si Matic hanggang sa mapilitan ang mga awtoridad na pasukin na ang suspek ng mabigo ang negosasyon na nagresulta sa pagkamatay nito at pagkakaligtas sa biktima.