100 katao nag-hysteria sa anthrax
TUGUEGARAO CITY, Philippines - Umaabot sa humigit kumulang sa isandaan katao ang nag-hysteria at nagsiksikan sa mga pagamutan sa bayan ng Sto. Niño, Cagayan matapos tubuan ng pantal sa katawan sanhi sa pagkain ng double dead na karne ng kalabaw na pinaghihinalaang nagtataglay ng anthrax sa Brgy. Abariongan Ruar dito kamakalawa.
Ayon kay Provincial Health Officer Carlos Cortina, nakauwi na rin sa kanilang mga tahanan ang mga nagsipagpanik na residente kasunod ng payong obserbahan muna ng mga ito ang kanilang mga sarili.
Bagamat hindi naman direktang nakakahawa, ang anthrax na mula sa bacillus anthracis ay isang linggo bago mabatid na naka apekto na sa katawan na may sintomas na tulad sa trangkaso.
Una rito ay nagsasagawa ng imbestigasyon si Provincial Veterinary Officer Dr. Jaime Guillermo sa mga samples na nakuha nila sa karneng bocha. Matatandaan na sinalanta ng mga kasong pagkakalason ang lalawigan tulad ng mahigit 20 kataong naospital sanhi ng kontaminadong tubig sa mga balon ng Peñablanca at 19 kataong isinugod sa pagamutan dito mula sa bayan ng Alcala matapos kumain ng mga pinaghihinalaang panis na handa sa isang birthday party.
- Latest