MANILA, Philippines - Hindi umubra ang pagpapatupad ng gun ban matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong salarin ang isang mag-asawang negosyante sa naganap na karahaÂsan sa Sagay City, Negros Occidental kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Amelita, 45 at Ronilo Pacheo, 44 taong gulang; kapwa dead on the spot sa insidente sa tinamong mga tama ng bala ng cal 9 MM pistol.
Ang mag-asawa ay nagmamay-ari ng isang sikat na viÂdeoke at sari-sari store sa kanilang lugar.
Sa ulat ni Chief Inspector Gabriel Gutierrez, hepe ng Sagay City Police, naganap ang karahasan dakong alas-8 ng gabi sa tahanan ng mag-asawa sa Brgy. Bato ng lungsod.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang nasa labas ng kanilang tahanan ang mag-asawa ng bigla na lamang sumulpot ang mga armadong salarin at pagbabarilin ang mga ito.
Sinabi ng mga kapitbahay ng mag-asawa na nagawa pang makatakbo sa loob ng kanilang tahanan ng mga biktima pero sinundan pa ang mga ito ng armadong salarin at tuluyang tinapos.
Narekober naman ng mga nagrespondeng awtoridad ang mga basyo ng bala ng cal. 9 MM pistol.
Pinaniniwalaan namang isang lumang alitan ang motibo ng pamamaslang sa mag-asawa na nangyari sa kasagsagan ng pagpapatupad sa election gunban ng Comelec kaugnay ng gaganaping mid term elections sa Mayo ng taong ito.