MANILA, Philippines - Namemeligrong masalang sa court martial ang dalawang opisyal ng elite Special Forces ng Philippine Army at 23 pang sundalo kaugnay ng kuwestiyonableng shootout na napatay ang 13-katao noong Enero 6 sa hangganan ng Plaridel at Atimonan, Quezon.
Ayon kay Col. Generoso Bolina, spokesman ng AFP-Southern Luzon Command ang kalalabasan ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation ang magsiÂsilbing batayan ng Philippine Army kung dapat na litisin sa General Court Martial ang dalawang Army officer.
Kabilang sa mga opisyal ay sina Lt. Col. Monico Abang, commander ng Army’s 1st Special Forces Battalion at Captain Erwin Macalinao, commander ng Army’s 3rd Special Forces Company.
Sa kasalukuyan, ayon kay Bolina ay ‘restricted to custody’ alinsunod sa utos ni AFP SOLCOM Chief Major Gen. Alan Luga sina Abang, Macalinao at kanilang mga tauhan sa Camp Nakar, Lucena City.
Nilinaw naman ng opisyal na hinihintay pa nila ang resulta ng imbestigasyon ng NBI kung may pagkakamali sa operasyon sina Abang bago gumawa ng kaukulang hakbang ang liderato ng militar.
Samantala, sinabi ni Bolina na ipinag-utos na ni Luga sa kaniyang mga opisyal na kailangang may pormal na written request at hindi puwedeng verbal lamang bago tumulong ang AFP sa operasyon ng PNP upang maiwasang maulit pa ang kahalintulad na insidente.
Matatandaan na nauna ng sinabi ni Army Chief Lt. Gen. Emmanuel Bautista na tumalima lamang ang tropa nina Abang sa tawag ni P/Senior Supt. Hansel Marantan, team leader ng PNP laban sa mga miyembro ng private armed groups na nauwi sa kontroÂbersyal na shootout.