KIDAPAWAN CITY, Philippines – Aabot sa P1 milyong halaga ng ari-arian ang natangay matapos looban ng mga ’di-kilalang kalalakihan ang malaking deparment store sa Quezon Blvd., Kidapawan City sa North Cotabato noong Linggo ng madaling-araw.
Ayon sa report ni Eduardo Asis, 31, electrical engineer ng Davao Central Warehouse Club, winasak ng mga kawatan ang safety vault sa opisina ng manager kung saan tinangay ang P839,000 cash; dalawang tseke na may halagang P32,447; at apat na relos.
Nabatid na nakapasok ang mga kawatan sa nasabing tindahan matapos wasakin ang sementadong gilid, malapit sa manager’s office, gamit ang hydraulic jack, drilling screw, at mga kahoy.
Tinangka rin wasakin ang vault ng automatic teller machine na pag-aari ng UCPB sa harapang bahagi ng Central Warehouse Club pero ’di-nagtagumpay, ayon sa pulisya.
Narekober naman ang mga ginamit sa pagnanakaw matapos abandonahin.
Ito na ang pinakamalaking nakawang naitala sa Kidapawan City simula 2010, batay sa data ng PNP.