OLONGAPO CITY, Philippines - Pito-katao kabilang ang apat na dayuhan ang iniulat na nasawi makaraang makulong sa nasusunog na mini-hotel sa Olongapo City kahapon ng madaling-araw.
Sa police report na nakarating kay P/Supt. Jose Hidalgo, acting police chief ng Olongapo City, kabilang sa apat na dayuhang nasawi ay sina James Brigati ng Kodiak, Alaska; Patrick Burt, Joseph Valuso at ang Koreano na si Kyung Ook Kim.
Samantala, namatay din ang Pinay na si Rebecca Perez at ang dalawang ‘di-pa kilalang babae.
Sa ulat ni P/Senior Insp. Gil Domingo, isa sa mga Kano ay na-trap sa hagdanan habang ang dalawa naman ay nakulong ng apoy sa kani-kanilang silid.
Sa ulat ni Senior Fire Officer 3 Jose Burlagdatan, nagsimula ang sunog bandang alas-3 ng madaling-araw sa ikalawang palapag ng Dryden Hotel and Bar Restaurant sa kahabaan ng # 138 Barangay Barreto.
Bandang alas-6 ng umaga nang maapula ang apoy kung saan nabatid na ang nasabing hotel ay may mga rehas na barandilya ang mga bintana at makipot din ang kalsada.
Ang Olongapo City ay isa sa mga pamosong tourist destinations at dati ring kinatatayuan ng US military base na isinara noong 1991.
Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang insidente.