3,195-katao apektado ng flashflood

MANILA, Philippines - Umaabot sa 650 pamilya (3,195 katao) ang apektado ng mga pagbaha dulot ng pag-ulan sa Mindanao, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council kahapon.

Ayon kay NDRRMC Executive Director Benito Ramos, kabilang sa mga naapektuhan ay ang rehiyon ng Davao, South Cotabato, Cotabato City, Sultan Kudarat, Sarangani  at General Santos City.

Samantala, pinakama­tindi namang naapektuhan ng mga pagbaha ang lalawigan ni Sarangani Rep. Manny “Pacman” Pacquiao gayundin ang General Santos City at Compostela Valley.

Naitala sa 62 pamilya ang inilikas sa Compostela Valley at General Santos City habang aabot naman sa 18 pamilya ang inilikas sa Brgy. Pangyan, Glan, Sarangani.

Apektado rin ang bayan ng Montevista sa Compostela Valley kung saan inilikas ang 30 pamilya sa Barangay New Visayas habang 30 pamilya naman sa Brgy. Banagbanag.

Naapektuhan din ang mga kalsada na nag-uugnay sa Brgy. Tibagon, Sitio Diat at Brgy. Napnapan sa  bayan ng Pantukan sa Compostela Valley.

Samantala, naitala naman sa 558 pamilya ang naapektuhan ng mga pagbaha sa Brgy. Baluan, Ge­neral Santos City.

Nabatid na ang LPA ay nasa 160 km sa timog sila­ngan ng General Santos City na nagdudulot ng mga pag-ulan sa bahagi ng rehiyon.

Show comments