Rubout ‘di-shootout sa 13 napatay sa Quezon

LUCENA CITY, Quezon , Philippines - Rubout at hindi shootout ang senar­yong nakikita ng mga residente sa naganap na ratratan na ikinasawi ng 13-kalalakihan kabilang ang tatlong  pulis at isang sundalo sa Barangay Tanauan sa hangganan ng bayan ng Plaridel at Atimonan Quezon kamakalawa ng gabi.

Makikita sa lugar na sinasabi ng mga awtoridad na pinangyarihan ng shootout na tadtad ng tama ng bala ang dalawang SUV na kulay itim na sinasakyan ng 13 armadong kalalakihan.

Sa gawing kaliwa ng highway na patungong Maynila ay may bangin at  ang lugar ay kurbada na imposible paharurutin ang sasakyan at ang sinasabing checkpoint ay pwedeng tanggalin agad.

Sa sinasabing shootout ng composite team ng PNP at AFP na pinamumunuan ni P/Supt. Hanzel Marantan na nasugatan at ngayon ay nasa ospital sa Metro Manila ay nasawi sina P/Supt. Alfredo Consemino, nakatalaga sa PRO-4B-MIMAROPA; SPO1Gruet Mantuano ng Oriental Mindoro; PO1 Jeffrey Tarina Valdez, S/Sgt. Armando Aranda Lescano ng Lipa City, Batangas; Tirso Lontoc Jr., ex-municipal administrator sa Sariaya, Quezon; Leonardo Ma­rasigan, Conrado Decillo, kapwa nkatira sa  Calamba City, Laguna; Victor Garcia ng Pampanga; Victor Siman, Victorino Atienza Jr., Gerry Siman,  Jimbeam Justiniani ng Quezon City; at si Paul Quichilag ng Biñan City, Laguna.

Naging kontrobersyal si P/Supt. Marantan makaraang ma-involve sa Parañaque City shootout noong 2008 na ikinamatay ng mag-ama habang sa bayan ng  Candelaria, Quezon sa shootout noong 2010 na ikinamatay ng 8-suspected robbers at sa Lucena City, Quezon naman noong 2012 na kung saan napatay ang 4 na miyembro ng highway robbery group.

Sa ngayon ay hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang Quezon PNP provincial office kaugnay sa sinasabing shootout kaya lumalabas ang espekulasyon sa panig ng mga mamamayan na rubout at hindi shootout ang naganap.

Samantala, pinanin­digan kahapon ni PNP Chief Director Gen. Alan Purisima na lehitimong shootout at di-rubout ang mga alegasyon sa naganap na engkuwentro kamakalawa.

Ginawa ni Purisima ang pahayag matapos na umalma ang mga kamag-anak ng mga nasawi na nagsabing rubout ang pangyayari matapos na harangin sa checkpoint ang dalawang SUV convoy na niratrat ng walang kalabanlaban.

itinanggi naman ni ISAFP Chief Major Gen Eduardo Año na miyembro ng kanilang tanggapan ang dalawang napatay dahil peke ang mga nakuhang identification card at hindi sila nag-iisyu ng ID sa mga intelligence agent. Tony Sandoval, Joy Cantos at Michelle Zoleta

 

Show comments