MANILA, Philippines - Umaabot sa 14 pulis na nakatalaga sa Police Regional Office (PRO) 6 na sumasaklaw sa Western Visayas Region ang nadismis sa serbisyo habang lima ang na-demote ng ranggo bilang bahagi ng paglilinis sa mga scalawags sa hanay ng PNP, ayon sa opisyal kahapon.
Sa ipinalabas na year end report sa katatapos na taong 2012, sinabi ni PRO 6 Director Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., nasa 314 kasong administratibo rin ang naisampa laban sa mga pulis at 214 naman ang naresolba mula dito.
Ayon kay Cruz sa nasaÂbing bilang ay 43 parak ang nasuspinde, 28 ang pinarusahan sa pamamagitan ng pagtatanggal sa suweldo,19 ang na-reprimand at 11 ang tuluyang sinibak sa puwesto.
Binigyang diin ng opisyal na ang patuloy na paglilinis sa mga scalawags na sumisira sa imahe ng PNP ay naglalayong maibalik ang tiwala ng publiko sa kapulisan.
Sa kabilang banda, ayon pa kay Cruz ay mas marami pa ring mabubuti at maÂtitinong pulis kung saan sa katunayan ay nasa 20,735 sa mga ito ang ginawaran ng medalya, plaque at komendasyon sa mahusay na serbisyo publiko.