Jeepney bumaliktad: 1 patay, 12 pa sugatan

MANILA, Philippines - Isa katao ang kumpirmadong nasawi habang 12 pa ang nasugatan makaraang aksidenteng bumaliktad ang isang pampasaherong jeepney na dumausdos sa matarik na highway sa bayan ng Mankayan, Benguet kamakalawa.

Kinilala ang nasawi na si Emilio Dayanes, 50-anyos idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan sa tinamong grabeng sugat sa katawan.

Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa Altar Emergency Hospital at Lutheran Hospital ang 12 nasugatang biktima. Ilan sa mga ito ay kinilalang sina Melanie Pa­nganiban, Antonio Payden, 65; Alberto Guindangan, 43, Isidro Agayao, 56, Jhonny Domagan, 49 at iba pa.

Ayon kay SPO1 Rogelio Pechozo, naganap ang insi­dente sa kahabaan ng highway ng Manpey-as Guianeng, Mankayan ng lalawigang ito bandang alas-8:30 ng umaga.

Kasalukuyang bumabagtas ang pampasaherong jeepney na puno ng kargang pasahero na ang iba ay nakaupo na sa bubungan bukod pa sa mga nakasabit sa hulihan ng mangyari ang insidente.

Nawalan umano ng preno ang sasakyan na nagbunsod sa trahedya.

 

Show comments