4 pekeng PASG tiklo sa extortion

MANILA, Philippines - Apat katao kabilang ang dalawang aktibo at isang retiradong opisyal ng pulisya na nagpapanggap na miyembro ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) ang nasakote ng mga awtoridad sa aktong nangongotong sa isang negosyante sa entrapment operation sa Davao City nitong Biyernes ng hapon.

Kinilala ang mga nasakoteng suspek na sina PO2 Elbon Abubakar Appi, 48 ng Tandubas, Tawi-Tawi; PO2 Sibre  Ismael, 43, ng 1516th Police Mobile Group ng Bongao, Tawi-Tawi; ret. Chief Inspector Prudencio Enojo Jr. ng Siaton, Negros Oriental at Bangkula Pangko.

 Bandang alas- 2 ng hapon ng masakote ang mga suspek sa entrapment operation sa bisinidad ng Jollibee fastfood chain na matatagpuan sa Buhangin ng nasabing lungsod.

Ang mga ito ay inaresto ng pinagsanib na elemento ng Davao City Police at  Presidential Anti Orga­nized Crime Commission (PAOCC) na naaktuhang nangingikil ng P20,000 sa isang negosyante ng lungsod.

Sinabi ni Sr. Supt. Roland dela Rosa hepe dito  na bago ang entrapment ope­ration ay nakatanggap sila ng intelligence report hinggil sa modus operandi ng apat na suspek na naglilibot sa Mindanao at nagpapanggap na miyembro ng PASG na ginagamit ng mga ito sa pangingikil sa mga mayayamang negosyante.

Hindi na nakapalag ang mga suspek matapos na mapalibutan ng arresting team ng pulisya.

Nasamsam mula sa pag-iingat ng mga ito ang dalawang cal. 45 pistol, mga pekeng identification cards, mga bala at sari-saring mga pekeng dokumento na gamit sa kanilang illegal na aktibidades.

Show comments