Driver tinodas ng pasahero

LUCENA CITY, Quezon, Philippines - Pinaniniwalaang sobrang maningil sa napagkasunduang pasahe kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ang  28-anyos na tricycle driver ng kanyang  kapitbahay kamakalawa ng umaga sa entrance gate ng Palm Spring Subd. sa  Barangay Bocohan, Lucena City, Quezon. Natagpuan sa tabi ng kanyang pag-aaring tricycle ang biktimang si Aldrin Montante, isa ring security guard at nakatira sa Barangay Ibabang Iyam. Ayon kay SPO1 Aldrin Andres, bago naganap ang pamamaslang ay nagpaalam  ang biktima sa kanyang inang si Grace Montante na sinasabing rerentahan ng kanilang kapitbahay na si Mark Sahidjuan ang kanilang traysikel upang bumili ng panindang manok sa Barangay Domoit. Magkasamang umalis ang dalawa subalit hindi na nakauwi ang biktima hanggang sa matagpuan ang bangkay nito  na may 11 tama ng bala ng cal. 9mm pistol.

Show comments