MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi habang isa pa ang malubhang nasugatan makaraang suwagin ng isang rumagasang truck ang waiting shed sa tabi ng highway ng Kabankalan City, Negros Occidental, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 6 Director Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., ang mga nasawing biktima na sina Helen Elmaco, 25 at Mylen Nario, 34, kapwa residente ng nasabing lungsod.
Bandang alas-7:45 ng gabi kamakalawa habang naghihintay ng masasakyan sa waiting shed ang mga biktima nang bigla na lamang araruhin ang mga ito ng isang Fuzo truck (FDD 516 ) na may mga kargang tubo at minamaneho ni Ramil Fuentes, 23.
Ayon sa imbestigasyon, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng truck matapos itong masiraan ng preno kung saan inararo ang waiting shed na kinatatayuan ng mga biktima.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang mga biktima pero idineklara ring dead-on-arrival.
Sa nasabing insidente ay malubha namang nasugatan ang driver na patuloy na nilalapatan ng lunas sa hospital.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito.