Trader itinumba, gunman utas sa pulis

MANILA, Philippines - Napatay ang 50-anyos na negosyante matapos na pagbabarilin ng ‘di-kilalang lalaki na sinasabing gun-for-hire na napaslang din ng isang opisyal ng pulisya sa Barangay Poblacion 1, Carcar City, Cebu kamaka­lawa ng umaga.

Kinilala ang nasawing biktima na si Mario Gilberto Gadiano ng Sitio Cambuntan, Barangay Bolinawan, may-ari ng  coconut lumber at agrivet store.

Napuruhan sa mukha ang biktima habang patuloy namang inaalam ang pagkakakilanlan ng gun-for-hire na nakapatay sa negosyante.

Base sa report ng Carcar City PNP, naganap ang insidente pasado alas-9 ng umaga  habang pasakay na sa kaniyang multicab (MBR-918) ang biktima matapos na bumili ng mga patuka para sa kaniyang Agrivet Store.

Ayon sa imbestigasyon, bigla na lamang sumulpot sa lugar ang gunman at pinagbabaril ang biktima.

Nagkataon namang nasa di-kalayuan si P/Ins­pector William Alicaba, deputy officer for administration ng Cebu City Intelligence Branch na bibili sana ng gamot sa drug store sakay ng kanyang multicab (YGT-183) nang nasaksihan ang krimen kaya agad nitong sinigawan at pinasusuko ang suspek matapos na magpakilalang pulis.

Gayon pa man, pinaharurot ng gunman ang kanyang motorsiklo kaya napilitang barilin ni Alicaba kung saan tinamaan at bumulagta sa may 100 metro ang layo  sa crime scene.

Ayon kay SPO3 Jorame Tanudtanud, narekober sa bangkay ng gunman ang cal.9mm pistol na may pitong bala, cal. 380 pistol na may 14 bala, ATM card at larawan ni Gadiano.

Sinisilip ng pulisya ang anggulong alitan sa negosyo matapos makatanggap ng pagbabanta ang biktima may dalawang buwan ang nakalipas. Dagdag ulat ng Freeman News Service

 

Show comments