Lineman nahulog sa poste ng kuryente, patay

MANILA, Philippines - Hindi na masisilayan pa ang Pasko at bagong taon ng isang lineman ng Ilocos Sur Electric Cooperative (ISECO) matapos itong aksidenteng mahulog nang sumamang bumagsak sa marupok na poste ng kur­yente sa Burgos, Ilocos Sur nitong Biyernes.

Sa phone interview, kinilala ni SPO1 Flordelino Alconcel, desk officer ng Ilocos Sur Provincial Police Office (PPO) ang biktima na si Paulino Toribio, 32-anyos ng bayan ng Sta. Maria ng lalawigan.

Base sa imbestigasyon, naganap ang insidente sa Brgy. Meycauayan, Burgos, Ilocos Sur bandang alas-10 ng umaga.

Kasalukuyang abala sa pagkakabit ang mga empleyado ng ISECO sa Brgy. Meycauayan  ng mga kawad ng kuryente  kung saan ay pinapalitan rin ng mga ito ang lumang poste upang hindi pagmulan ng sakuna.

Gayunman, habang nasa taas ng poste ng kuryente ay lumipat sa luma ang biktima pero sa kamalasan ay bumigay ito sanhi ng sobrang marupok na ang kahoy nito.

Tuluy-tuloy na lumagapak sa lupa ang nasabing biktima kasama ang nabaling lumang poste kung saan ay nagkabali-bali ang katawan at nadurog pa ang ulo sa insidente. 

Nagawa pang maisugod ang biktima sa Reyes Clinic Hospital pero idineklara na itong dead-on-arrival.

 

Show comments