Danish national, itinumba

MANILA, Philippines - Patay ang isang  53- anyos na Danish national habang nasa kritikal namang kondisyon ang live-in-partner nito matapos pagbabarilin ng  hindi pa nakilalang mga armadong salarin sa  Brgy. San Teodoro, Bunawan, Agusan del Sur, kamakalawa ng tanghali.

Idineklarang dead-on-arrival sa Bunawan District Hospital ang  biktimang kinilalang si Egon Jansoe, Danish national matapos na magtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantalang dahilan sa maselang kondisyon ay inilipat naman sa Davao Regional Hospital sa Davao City ang live-in- partner nitong Pinay na si Marivic Plaza.

Naganap ang krimen bandang alas-11:30 ng tanghali habang ang mga biktima ay magkatulong na naglalaba sa kusina ng kanilang tahanan ng maganap sa Purok 6 A, Brgy. San Teodoro, Bunawan, Agusan del Sur.

Sa imbestigasyon ng pulisya, bigla na lamang umanong sumulpot ang mga armadong suspek saka pinagbabaril ang mag-live-in partner saka mabilis na nagsitakas. Narekober naman ng mga nagrespondeng awtoridad sa crime scene  ang mga basyo ng bala ng cal .45 pistol.

Isinasailalim na sa ma­susing imbestigasyon ang kasong ito upang matukoy ang motibo ng krimen.

 

Show comments