Utol pinatay dahil sa manok

QUEZON, Philippines - Sabog ang tiyan ng 53-anyos na obrero matapos barilin ng shotgun ng kanyang kuya dahil lamang sa sasabu­nging manok, kamakalawa ng hapon sa Sitio Centro, Barangay Aquino sa bayan ng Tiaong, Quezon. Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Ruben Magpantay habang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Antonio Magpantay, 56, kapwa nakatira sa nabanggit na barangay. Ayon kay SPO1 Sherwin Bonso, dakong alas-5:30 ng hapon ay hawak ng biktima ang kanyang sasabunging manok nang dumating ang senglot na kuya nito at pilit na hinihiram ang tandang upang ilaban sa sabong. Tumanggi naman ang biktima hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo at umuwi ng bahay ang suspek at pagbalik ay pinaputukan ang ka­patid. Nang bumulagta ang biktima sa lupa ay mabilis na naglakad patungo sa kagubatan ang suspek dala ang baril na ginamit sa krimen.

Show comments